Ana səhifə

Up beta sigma fraternity alumni association


Yüklə 16.97 Kb.
tarix12.05.2016
ölçüsü16.97 Kb.
PRESIDENT BENIGNO S. AQUINO III’s SPEECH

DURING THE 67TH FOUNDING ANNIVERSARY OF THE

UP BETA SIGMA FRATERNITY ALUMNI ASSOCIATION

Grand Ballroom, 3rd floor, Eastwood Richmonde Hotel

No. 17 Orchard Road, Eastwood City

Bagumbayan, Quezon City

July 15, 2013

(applause) Magandang gabi po. Maraming salamat. Maupo ho tayo.


Secretary Voltaire Gazmin; Secretary Proceso Alcala; Secretary Ramon Paje; Commissioner Lucelito Tagle; Governor Emano; Mr. Rolando Reyes; former Representative and Speaker Minority Raul Daza, who I am not sure belongs to this fraternity or some other… (laughter) but is well loved by everybody; (laughter) officers and members of the Beta Sigma Fraternity; fellow workers in government; honoured guests; mga minamahal ko pong kababayan: Magandang gabi po sa inyong lahat.
Unang-una, hihingi po ako ng paumanhin, medyo na-late po tayo. Damang dama ko po yung traffic ng Metro Manila kanina papunta dito at nakaunang pasada po ako doon sa SONA. So, kausap ko po ng mga tatlong oras yung aking mga speech writer, at sinabi ko sa inyo tulad ng dati malayo pa bago natin maitapos ang paghahanda sa SONA. Talagang ang bigat naman ng fraternity niyo, pati si Willie Nep eh (laughter) brod pala niyo. (laughter) Napalingon ako ng dalawang beses, pero mas maganda ang ayos mo ngayon keysa nung ginaya mo yung hairstyle ko. (laughter/applause)
Na—pwede ko bang, Mr. Arranz, gusto ko lang ho matanong, sino ang kasama niyo dito sa tatlo nung… (laughter) when you founded the Beta Sigma? (laughter) Sino ang charter members? Palagay ko si Tatay Procy yata—(laughter) na nakaukit na po sa kasaysayan ng UP Beta Sigma Fraternity ang mismong kasaysayan ng Ikatlong Republika ng Pilipinas. Sampung araw sabi sa akin nang matapos nga po kilalanin ng mundo ang ating kasarinlan noong ika-4 ng Hulyo 1946, itinatag naman ang inyong kapatiran. Kasabay na hinarap ng inyong samahan ang mga hamon at pagsubok sa ating pagsasarili, at ang pinagdaanan ng sambayanan sa nakaraang animnapu’t pitong taon.
Lumipas man ang mahigit anim na dekada, di pa rin kumukupas ang mga magpapakitang gilas ng inyong mga brod sa iba’t ibang larangan. Nariyan ang labinlimang Betan na kabilang sa Outstanding Young Men awardees ng bansa. Syempre, proud din tayo sa tatlo ninyong alumni na kasama nating naglilingkod at tumutugon sa mga problema ng bayan, sina: Kalihim Voltaire Gazmin, Procy Alcala at Mon Paje. Baka pwede ko hong diinan lang ng konti dahil baka naman akala niyo nasesermunan sila araw araw. (laughter) Saka yung dissertation po hindi po totoo yun—consultation, (laughter) always with a smile. Pero sample lang po ng nagawa na—illegal logging, may mga nagrereklamo kulang raw ang ginagawa. Ang nahuli na po ng DENR ay hindi bababa sa apatnaraan, mahigit sa apatnaraang mga truck doon sa mga ayaw hong pasaway. So, thank you sa kanila dumagdag po ang mobility ng gobyerno dahil nakumpiska na po natin doon sa kanilang ginagawang iligal na kalalagyan.
Si Procy Alcala naman po, talaga naman ano ba ang masasabi natin dito? Agriculture output nasa contribution ng GDP increased by 3.3 percent in the last quarter. Yung hintayin po niyo dahil kumbaga ho the best is yet to come. For instance, one of the things we discussed in the recent budget was yung fishery sector na parati hong pababa. Fishery sector mayron hong tinitignang lugar sa Palawan which we will set up a port together with the necessary facilities like cold storage—something as simple as that—may fishing grounds, may gustong mangisda doon yung isda naman napakalayo sa merkado nababawasan yung pagkakataon nating mga mangingisda, so dagdagan yung kalinga na dapat nanggagaling sa gobyerno. Tulungan mo, may pasilidad sila, mapapalaki ang kanilang kikitain, gaganda ang kanilang buhay at makikinabang pa ang buong bansa.
At sabi nga ho hintayin niyo pati sa coconut industry, lalo na yung intercropping na gagawin, darating na ho tayo, palapit na tayo sa punto na hindi na po poorest Filipinos are those involved in coconut and in the fishery sector. And I have to give credit to Procy Alcala. He is the main man, he is an effective communicator. (applause) Yung talaga hong ‘can do’ itong si Procy. Ngayon sa dami naman po ng ginagawa niya kung minsan po may nakakalusot na mga nagpaalam na sa gobyerno. So, ang dami pala niyong brod baka magre-recruit si Procy dito maya maya, ano. (laughter)
Voltaire Gazmin naman, talaga naman hong masasabi natin from the time of my mother’s presidency when he served as the PSG Commander to the present time when he serves as Secretary of National Defense, yung we have beset with challenges but we have been dealing with them, and I think we have been dealing with them quite successfully. And, of course, once we attain peace especially with the Bangsamoro and the MILF in particular, we expect progress there to become and to be… to set the necessary conditions whereby long lasting and, hopefully, everlasting peace will be achieved that promotes the prosperity thru stability of our brothers in the South. And to a large degree yung I think you can be proud of your brods. I don’t have to second guess them. I don’t have to look over their shoulders. I don’t have to ask them to submit daily reports because I know even if I don’t see them, they are doing what they are supposed to do and we can all be proud. (applause)
Yung gusto ko lang hong pagdiinan, alam naman po nating hindi madaling talikuran ang tahimik na buhay, ang mas malaking kita sa pribadong sektor, pati na ang tukso ng yaman at kapangyarihan. Pero sa kabila ng mga ito, pinili ng ating tatlong butihing mga kasamahan na itaguyod ang positibong pagbabago at ang kapakanan ng bayan bago ang sarili. Sagisag sila sa landas na tinatahak ng UP Beta Sigma mula noon hanggang ngayon: ang magbuklod, gamitin ang husay, at ialay ang bawat tagumpay para sa ika-aangat ng kapwa.
Kaya tinatanggap ko na po yung alok niyo kanina na tutulungan niyo ako, marami pa hong problema, gusto ko mas makapal ang buhok ko pag retire ko keysa kay Willie Nep, (laughter) kaya pag dinamayan niyo ako may mangyayari ho doon. (applause) Kaya naman hindi na po nakakapagtakang patuloy ang paglago ng inyong organisasyon. Sa kasalukuyan, umabot na—balita ko—sa labinlimang libo ang kasapi ninyong talagang kumakatawan sa inyong paninindigan: ang pagtumbas ng gawa sa inyong salita at aktibong pagpapatotoo sa inyong prinsipyo. Mula sa mga programa ninyong nangangalaga sa kalikasan, hanggang sa pagkalinga sa kalusugan ng komunidad, at sa iba pa ninyong makabuluhang programa, nagpapasalamat ang bayan sa pagsisikap ninyong itaas ang antas ng pamumuhay ni Juan at Juana dela Cruz.
Sa ganito rin pong prinsipyo nakatuntong ang ating gobyerno sa pagsisilbi sa atin pong mga Boss. Tinitiyak nating ang resulta ng ating pamamahala at paglago ng ekonomiya ay sumasaklaw ng mas nakakaraming Pilipino.
Tinalikuran natin ang sistemang nakasanayan; tinutugis natin ang mga tiwali, at itinatama ang mali. Itinatawid natin ang mga serbisyong panlipunan, ang mamamayan tungo sa landas ng pag-asenso, dahil naniniwala tayong dapat makasabay ang lahat sa agos ng kaunlaran. Ulitin ko po: lahat ay makasabay natin sa agos ng kaunlaran lalong lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.
Habang tumatahak tayo sa tuwid na daan, lumalawak din ang mga tagumpay na ating nakakamtan. Tingnan na lamang po natin ang reporma sa hanay ng kasundaluhan. Sa pangunguna po ni Secretary Volts, ang dating naisasantabing kapakanan ng mga kawal ng bayan, ngayon tinututukan na ng pamahalaan. Nariyan ang patuloy nating pagdaragdag ng moderno at de-kalidad na kagamitan para sa kanilang epektibong serbisyo, at ang walang patid nating programa na naghahandog ng abot-kayang ligtas at disenteng tahanan sa kanila, at yung pinakabago nga po ay livelihood. Talaga naman pong importante mayron silang kakayahan, mayron silang mga assets. Bakit hindi naman pakinabangan ng mga taong panay ang malasakit sa atin sa oras ng digmaan pati na ng sakuna. Yung nagmamahal sa atin kailangan naman madama hong minamahal rin natin sila.
Kaakibat ng pangangalaga sa kapakanan ng mas nangangailangan at pagpupunla ng mga oportunidad na pihadong namumunga ng positibo para sa ating mamamayan, todo-kayod po si Secretary Procy upang lalo pang mapalago ang sektor ng agrikultura at mapaunlad ang kabuhayan ng mga pamilyang umaasa rito. Parehong pagkalinga rin po ang natatamasa ngayon sa ating kalikasan sa pangunguna ni Secretary Mon Paje, upang maiwasan at tugunan ang trahedyang dulot ng kapabayaan at pagwawalang-bahala sa kapaligiran.
Kompiyansa po tayong sa ikalawang yugto ng ating termino, lalo pang aarangkada ang ating serbisyo. Magandang pagkakataon ito upang patibayin ang ating pagtutulungan sa pag-abot ng ating kolektibong hangarin bilang nagkakaisang bansa.
Umaasa akong patuloy ninyong isabuhay ang mga prinsipyong tumitimon sa UP Beta Sigma Fraternity, sa ngalan ng katuwiran at pananagutan.
Ang hangad natin: patuloy na isakatuparan ang mga makabuluhang serbisyong nagmamarka sa kasaysayan, itaguyod ang pangmatagalang kapayapaang nagbubunsod ng kaunlaran; at magsilbing bukal ng pag-asa at kalinga para sa kapwa.
Sa susunod nga pong linggo, magaganap ang State of the Nation Address. Mahalaga pong imulat ang mamamayan ukol sa tunay na estado ng ating bayan, upang lalo pang tumaas ang antas ng pampublikong diskurso, at lalong dumami ang mga kababayan nating nakikisagwan sa tama at iisang direksyon.
Nananalig ako sa inyong pakikisama ng inyong samahan sa pagtahak natin sa tuwid na daan. Sa pagsasanib ng ating mga tinig, at sa patuloy na pagkakapit-bisig, lalong lumalakas ang ating puwersa sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng lahing Pilipino. Ituloy po natin ang sama-samang pag-aangat ng bayan, at taas-noo nating tunguhin ang katuparan ng ating pangarap.
Maraming salamat po at Maligayang pagdiriwang sa inyong lahat. (applause)
* * *



Verilənlər bazası müəlliflik hüququ ilə müdafiə olunur ©anasahife.org 2016
rəhbərliyinə müraciət